Ika-6 dikit sa Rockets
HOUSTON — Matapos ang 15 sunod na kamalasan ay ipinoste ng Rockets ang kanilang ikaanim na dikit na ratsada mula sa 118-108 pagpapabagsak sa New Orleans Pelicans.
Umiskor sina Eric Gordon at Christian Wood ng tig-23 points para pamunuan ang Houston (7-16) sa pagdaig sa New Orleans (7-19).
Tumipa si Gordon ng 13 points sa loob ng 3:46 minuto para ibigay sa Rockets ang 72-61 kalamangan sa third period na kanilang pinalobo sa 98-87 sa fourth quarter para iwanan ang Pelicans.
Pinamunuan ni Brandon Ingram ang New Orleans sa kanyang season-high 40 points habang nagtala si Jonas Valanciunas ng 17 points at 10 rebounds.
Sa Cleveland, nagpasabog si Donovan Mitchell ng 35 points para pamunuan ang 109-108 paglusot ng Utah Jazz (16-7) sa Cavaliers (13-11).
Ito ang ikaapat na sunod na arangkada ng Utah para patuloy na solohin ang No. 3 spot sa Western Conference sa ilalim ng Golden State Warriors (19-4) at Phoenix Suns (19-4).
Nagwakas naman ang four-game winning streak ng Cleveland (13-11).
Sa Atlanta, tumipa si Miles Bridges ng 32 points sa 130-127 pagtakas ng Charlotte Hornets (14-11) sa Hawks (12-12).
Sa Toronto, kumamada si Pascal Siakam ng 31 points para tulungan ang Raptors (11-13) sa 102-90 paggupo sa Washington Wizards (14-10).
Nag-ambag si Chris Boucher ng 14 points at may 11 at 10 markers sina Scottie Barnes at Fred VanVleet para sa ikalawang sunod na panalo ng Toronto.
- Latest