James-less Lakers wagi sa Kings
SACRAMENTO - Humataw si Anthony Davis ng 25 points sa 117-92 paggupo ng Los Angeles Lakers sa Kings bagama’t hindi naglaro si LeBron James matapos siyang ilagay sa NBA health and safety protocol.
Ito ang unang back-to-back wins ng Lakers (12-11) matapos noong Nobyembre 8-10.
Nagdagdag si Russell Westbrook ng 23 markers para sa Los Angeles na bumangon mula sa 52-66 pagkakabaon sa third period para resbakan ang Sacramento (8-14).
Pinangunahan ni Richaun Holmes ang Kings sa kanyang 27 points kasunod ang 17 markers ni De’Aaron Fox.
Sa Phoenix, kumamada si center Deandre Ayton ng 24 points para sa pagduplika ng Suns sa kanilang franchise record na 17 sunod na panalo mula sa 104-96 pagsapaw sa Golden State Warriors.
Nagsosyo ang Phoenix (18-3) at Golden State (18-3) sa liderato ng NBA at sa Western Conference.
Nagkaroon si star guard Devin Booker ng left hamstring injury sa second quarter at hindi na nakabalik para sa Suns na unang nagposte ng 17-game winning streak noong 2006-07 season.
Pinamunuan ni Jordan Poole ang Golden State sa kanyang 28 points habang may 12 markers si Stephen Curry mula sa 4-of-21 fieldgoal shooting kasama ang 3-of-14 clip sa 3-point range.
Sa New York, isinalpak ni James Johnson ang dalawang free throws sa huling 2.2 segundo para tulungan ang Brooklyn Nets (15-6) na maitakas ang 112-110 panalo sa Knicks (11-10).
Sa Portland, nagsumite ng 28 points si CJ McCollum para tulungan ang Trail Blazers (11-11) sa 110-92 panalo sa Pistons (4-17).
Sa Toronto, umiskor si Jaren Jackson Jr. ng 25 points sa 98-91 paggupo ng Memphis Grizzlies (11-10) sa Raptors (9-13).
- Latest