Pukpukan na ang ensayo ng Gilas Pilipinas
MANILA, Philippines — Walang balak magpakampante ang Gilas Pilipinas na nasa pukpukang ensayo na para paghandaan ang FIBA World Cup Qualifiers na idaraos sa Pebrero.
Tatlong beses kada linggo ang ensayo ng Pinoy cagers kung saan ilang bagong mukha ang isinama sa listahan ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP).
Nadagdag si Jason Credo ng Ateneo de Manila University habang inimbitahan din ang katropa nitong sina Dave Ildefonso at Geo Chiu.
Nagsasanay na rin si Ladis Lepalam ng College of Saint Benilde na isa rin sa mga bagong nadagdag sa pool.
Kasama nila sina Isaac Go, Rey Suerte, Mike Nieto, William Navarro, Jaydee Tungcab, Tzaddy Rangel, Justine Baltazar, SJ Belangel at Carl Tamayo.
Nakabalik na rin sa pagsasanay sina Matt Nieto at Allyn Bulanadi na galing sa injuries.
Matinding schedule ang pagdaraanan ng Gilas Pilipinas sa 2022.
Pinaghahandaan nito ang FIBA World Cup Qualifiers na idaraos sa Pilipinas sa Pebrero. Kasama ng Pilipinas sa grupo ang South Korea, New Zealand at India.
Maliban sa FIBA World Cup Qualifiers, sasabak din ang Gilas sa Southeast Asian Games sa Mayo sa Haoin, Vietnam, FIBA Asia Cup sa Hulyo sa Jakarta, Indonesia; at Asian Games sa Setyembre sa Hangzhou, China. “They’ve been training thrice a week,” ani SBP special assistant to the president Ryan Gregorio.
- Latest