Mojdeh nagningning sa PSI meet
MANILA, Philippines — Nagpasiklab agad si national junior record holder Micaela Jasmine Mojdeh ng Swim League Philippines- BEST matapos pagreynahan ang women’s 1500-meter freestyle event kahapon sa 2021 Philippine Swimming Inc. National Selection Bubble sa New Clark City Aquatic Center sa Capas, Tarlac
Nagtala si Mojdeh ng impresibong 18:58.71 para ilampaso ang mga beteranong karibal nito.
Namayagpag din si John Niel Paredes sa men’s 100-meter backstroke sa bilis na 1:01.22 kung saan tinalo nito ang mga beteranong tankers sa kumpetisyon.
“Magandang simula sa team namin. Despite, the fact na limitado yung training sa langoy dahil sa pandemic, nakita natin yung determination sa mga bata. We’re happy, hoping masundan ito sa second day ng tournament,” ani SLP-BEST coach Virgilio De Luna.
Dahil sa panalo, inaasahang mapapasama sina Mojdeh at Paredes sa national team na sasabak sa 2022 Southeast Asian Games na idaraos sa Hanoi, Vietnam sa susunod na taon.
Nagreyna naman si Thanya Dela Cruz sa women’s 50-meter breaststroke kung saan nagtala ito ng 32.89 segundo para wasakin ang national record na 32.93 ni Joy Rodgers noong 2019 SEA Games sa parehong venue.
Nagkasya lamang sa ikalawang puwesto si Rodgers na may 33.94 segundo.
Nanguna rin si Dela Cruz sa women’s 50-meter freestyle sa bilis na 27.92 segundo.
Sa men’s class, nangibabaw si SEA Games campaigner Sacho Ilustre sa men’s 100-meter butterfly (57.13) habang naghari si Miguel Barreto sa men’s 400-meter freestyle (4:07.37).
- Latest