Vietnam SEA Games ikinasa sa Mayo
MANILA, Philippines — Tuluy na tuloy na ang pamamahala ng Vietnam sa 31st Southeast Asian Games sa kalagitnaan ng Mayo ng susunod na taon.
Ito ang tiniyak kahapon ng Vietnam organizers sa isinagawang online meeting ng SEA Games Federation na dinaluhan din ng 10 pang member countries.
Orihinal na nakatakda ang Vietnam SEA Games sa Nobyembre 21 hanggang Disyembre 2 ng taong ito, ngunit hiniling nito sa SEAG Federation na iurong ito sa 2022 dahil sa pagsirit ng mga kaso ng coronavirus disease COVID-19) sa kanilang bansa.
“The Vietnamese organizers will confirm the specific dates soon,” sabi ni Philippine Olympic Committee (POC) president at Tagaytay City Rep. Abraham “Bambol” Tolentino.
Bukod sa eksaktong petsa ay mag-iisyu rin ang Vietnam organizers ng mga guidelines sa 2022 SEA Games para sa paglaban sa COVID-19.
Kinopo ng Pilipinas ang overall championship noong 2019 SEA Games edition na idinaos sa bansa noong Nobyembre 30 hanggang Disyembre 11.
Naglatag ang Vietnam ng kabuuang 40 sports para sa 2022 SEA Games na mas konti kumpara sa 54 sports noong 2019 Philippine edition.
Ang Cambodia naman ang mamamahala sa 32nd SEA Games sa 2023.
- Latest