Donaire-Gaballo fight ikakasa sa Disyembre 11
MANILA, Philippines — Ikinakasa na ang all-Filipino fight nina World Boxing Council (WBC) bantamweight champion Nonito “The Filipino Flash” Donaire at mandatory challenger Reymart Gaballo.
Ngunit hindi gaya ng ibang laban na kaliwa’t kanan ang banatan ng magkabilang kampo, puro respeto ang lumalabas sa bibig ng dalawang Pinoy pugs.
Patunay na may class ang mga Pinoy boxers. Trabaho lang walang personalan ika nga.
Wala pang pormal na petsa ngunit target itong ganapin sa Disyembre 11 sa Amerika.
Excited na si Gaballo na makalaban ang kanyang iniidolong si Donaire.
“I’m so happy and glad to fight my idol Nonito Donaire. So hopefully it will be a good fight,” ani Gaballo sa panayam ng The Ring.
Kasalukuyang nasa pukpukang pagsasanay si Gaballo sa Miami, Florida kasama si trainer coach Osmiri “Moro” Fernandez.
Nais ni Gaballo na maihanda ang kanyang sarili sa pinakamalaking laban na haharapin nito.
Sa kabilang banda, natutuwa si Donaire sa magandang pag-uugali ni Gaballo na tinawag nitong may respeto at mabuting tao.
Subalit nangako si Donaire na hindi nito sasantuhin si Gaballo sa oras na magkrus ang kanilang landas upang matagumpay na madepensahan ang kanyang titulo.
“I really respect the kid. He’s going to do his best... but I’m always going to be ready for it,” ani Donaire.
Plano sanang magharap sina Donaire at World Boxing Organization (WBO) bantamweight champion John Riel Casimero.
Pero ipinag-utos ng WBC na depensahan ni Donaire ang titulo nito kay Gaballo na mandatory challenger.
- Latest