Debut ni Ramos diniskaril ni Parks
MANILA, Philippines — Diniskaril ni Bobby Ray Parks Jr. at ng Nagoya Diamond Dolphins ang debut ni Fil-American guard Dwight Ramos sa Japan B.League matapos patumbahin ang Toyama Grouses, 94-68, kahapon sa Toyama City Gymnasium.
Tumipa si Parks ng 15 points, 4 rebounds, 1 assist at 1 steal para tulungan ang Dolphins na itala ang 2-3 record kasabay ng pagpapalasap sa Grouses ng 0-5 marka.
May 6 points lamang si Ramos galing sa kanyang malamyang 3-of-14 fieldgoal shooting para sa unang paglalaro sa Toyama.
Nabigo naman si Thirdy Ravena at ang San-en NeoPhoenix na makuha ang back-to-back wins nang yumukod sa Hiroshima Dragonflies, 67-76, sa Hiroshima Sun Plaza.
Umiskor si Thirdy ng 7 points mula sa mahinang 3-of-12 fieldgoal shooting para sa NeoPhoenix (2-3) na muling lalabanan ang Dragonflies (4-1) ngayong alas-12:05 ng tanghali.
Minalas din si Kobe Paras para sa Niigata Albirex BB (2-3) matapos makalasap ng 75-88 kabiguan sa Levanga Hokkaido (1-4) sa Hokkai Kitayell.
Kumolekta si Paras ng 13 points, 3 rebounds, 1 assist, 1 steal at 1 block para sa ikalawang sunod na kabiguan ng Albirex.
Samantala, itinakas ni Kiefer Ravena at ng Shiga Lakestars (4-1) ang 84-83 panalo laban sa Kyoto Hannaryz (2-3).
- Latest