Gibbons hindi naniniwalang ‘out’ na si Pacquiao sa boxing
MANILA, Philippines — Para kay MP Promotions chief Sean Gibbons, hindi pa tapos ang laban ni Manny Pacquiao sa mundo ng boxing.
Tiwala si Gibbons na hindi pa tuluyang iiwan ng eight-division world champion ang boksing sa kabila ng inihayag nito sa isang interview na tapos na ang boxing career nito.
“Boxing career ko, tapos na,” ani Pacquiao sa isang online interview.
Posibleng isentro na ni Pacquiao ang atensiyon nito sa buhay pulitika lalo pa’t nagdeklara na itong tatakbo bilang pangulo sa 2022 National Election.
Subalit naniniwala si Gibbons na hindi pa ito opisyal dahil inaasahang magkakaroon pa ng “farewell fight” si Pacquiao bago tuluyang magretiro sa boxing.
“In the coming weeks, the senator will decide how he’s going to finish his professional boxing career. After the fight and recently, he’s discussed retiring or maybe one more fight. He’s just talking out loud about different situations,” ani Gibbons sa panayam ng ESPN.
Iginiit ni Gibbons na magiging opisyal lamang ang deklarasyon ni Pacquiao kung nakapost na ito sa kanyang social media accounts.
Ilang pangalan na ang naunang iniuugnay sa farewell fight ni Pacquiao kabilang na ang rematch kay WBA welterweight champion Yordenis Ugas, WBC/IBF welterweight king Errol Spence Jr. at Robert Guerrero.
- Latest