Tabuena kampeon sa Idaho Open
MANILA, Philippines — Naibulsa ni 2010 Asian Games silver medalist Miguel Tabuena ang kampeonato sa PGA of America Idaho Open kahapon sa Quail Hollow Golf Club sa Boise, Idaho.
Matapos magkampeon si Carlo Biado sa US Open 9-Ball Pool Championship, isa na namang Pinoy ang namayagpag nang kubrahin ni Tabuena ang kanyang unang professional title sa Amerika.
Nagrehistro si Tabuena ng 2-under 68 sa final round para makumpleto ang impresibong 14-under 196.
Malayo kay Tabuena si second-placer Brad Marek na may 10-under 200 na naitala kasama ang 67 sa final round.
Pumangatlo naman si Jamie Hall na may 7-under 203 na nairehistro.
Sunod na tatargetin ni Tabuena ang first stage ng Korn Ferry Tour qualifying sa Nevada simula sa Setyembre 28.
Sa kabilang banda, nagtapos sa ika-30 puwesto si Bianca Pagdanganan sa Cambia Portland Classic sa The Oregon Golf Club sa West Linn, Oregon.
Naglista si Pagdanganan ng 1-over 217.
Nasa ika-54 naman si Dottie Ardina na may 6-over 222.
Nagreyna si South Korean Ko Jin-Young na nagtala ng 11-under 205.
- Latest