Casimero, Donaire tuloy ang bangayan
MANILA, Philippines — Mas lalo pang lumala ang bangayan matapos bumuwelta si World Boxing Organization (WBO) bantamweight champion John Riel Casimero kay World Boxing Council (WBC) bantamweight king Nonito “The Filipino Flash” Donaire.
Inakusahan ni Donaire na hanggang salita lamang si Casimero dahil ayaw nitong pumirma sa kontrata para sa laban.
Iginiit ni Donaire na tila natatakot si Casimero na pumirma dahil ayaw nitong sumailalim sa VADA (Voluntary Anti-Doping Association) test.
Kaya naman rumesbak si Casimero. Nilinaw nitong wala pa itong natatanggap na kontrata mula sa kampo ni Donaire.
Ayon pa kay Casimero, babalik ito sa Amerika at umaasa itong mismong si Donaire ang lalapit sa kanya para tuluyang maikasa ang laban.
“Nonito Donaire Jr. malapit na akong pumunta diyan sa US. Yan ang hinihintay ko, ikaw ang lumapit sa akin. Wala pa talaga akong natanggap na papel o kontrata galing sayo,” ani Casimero sa kanyang post sa social media.
Nanindigan din si Casimero na wala itong inaatrasang laban.
“Wala akong inaayawan na laban. Bisaya ni Bai. Kung pumirma na lang kesa puro dada sa social media. Ikasa na agad nang magkaalaman,” ani Casimero.
Idinaan naman sa biro ni Donaire ang sagot nito.
“Can’t make this crap up. He wants me to hand deliver the contract to him? Does he want flowers and chocolates too?” ani Donaire.
- Latest