Obiena naka-move on na sa kabiguan sa Tokyo Olympics
MANILA, Philippines — Aminado si national pole vaulter Ernest John Obiena na kailangan niyang bumawi matapos ang 11th place finish sa nakaraang Tokyo Olympic Games sa Japan noong Hulyo.
“I was down after Tokyo, questioning what happened. Why was I not performing as well as I should have and I believe I could have? That haunts me,” ani Obiena kahapon sa “Power & Play” program ni Noli Eala.
Isa si Obiena sa inasahan ng bansa na kukuha ng gold medal sa Tokyo Olympics bukod kay gold medalist Hidilyn Diaz ng weightlifting.
Imbes na umuwi sa Pilipinas ay bumalik ang 6-foot-2 pole vaulter sa kanyang training camp sa Formia, Italy para mag-ensayo at paghandaan ang mga lalahukang torneo.
Sa kanyang ikaanim na kompetisyon matapos ang Tokyo Games ay muling sinira ni Obiena ang kanyang personal best at itinayo ang bagong Asian record na 5.93 meters para kunin ang gold medal sa nakaraang Golden Roof Challenge sa Austria.
Noong Setyembre 9 ay tumapos sa fourth place ang 25-anyos na batang Tondo sa prestihiyosong Wanda Diamond League Finals sa Zurich, Switzerland kung saan ang top six pole vaulters lamang sa buong mundo ang nakita sa aksyon.
- Latest