$2.6 milyong pag-aagawan sa AIBA tourney
MANILA, Philippines — Tumataginting na $2.6 milyon o halos P130 milyon ang premyo para sa mga magkakamit ng medalya sa AIBA Men’s World Boxing Championships 2021 na gaganapin mula Oktubre 24 hanggang Nobyembre 6 sa Belgrade, Serbia.
Ayon sa inilabas na anunsiyo ng AIBA, may nakalaang cash prize sa mga medalists sa bawat kategorya tampok ang $100,000 (halos P5M) sa gold medalist.
Mabibiyayaan naman ng $50,000 (P2.5M) ang silver medalist at $25,000 (P1.2M) naman sa bronze.
Ito ang kauna-unahang pagkakataon na maglalatag ng cash prize ang AIBA sa isang world championship tournament.
“It is the first time AIBA will reward medalists of the world championships financially, and this is how it should be,” ani AIBA president Umar Kremlev.
Sinabi ni Kremlev na karapat-dapat bigyan ng insentibo ang mga boxers lalo pa’t matindi ang preparasyon ng mga ito para sa torneo.
Malakas ang tsansa ng Pilipinas na makasungkit ng medalya sa naturang torneo lalo pa’t galing ang Pinoy boxers sa impresibong kampanya sa katatapos na Tokyo Olympics.
Kumana ng pilak sina Carlo Paalam sa men’s flyweight division at Nesthy Petecio sa women’s featherweight class at tanso si Eumir Felix Marcial sa men’s middleweight class.
- Latest