Bolts binaklas ang Dyip
Naipagpag ng Meralco ang kanilang kalawang sa fourth quarter para manatili sa ikalawang puwesto sa 2021 PBA Philippine Cup.
Anim na players ang umiskor ng double-figures para sa 95-83 pagpapatumba ng Bolts sa Terrafirma Dyip kahapon sa Don Honorio Ventura State University Gym sa Bacolor, Pampanga.
Pinaganda ng Meralco, huling naglaro noong Setyembre 3 bago nawala sa Week Two schedule dahil sa health and safety protocols, ang kanilang record sa 6-2.
Tumipa si Bong Quinto ng 17 points ay may 13, 12, 11 at tig-10 markers sina Anjo Caram, Allein Maliksi, Raymond Almazan, Reynel Hugnatan at Alvin Pasaol, ayon sa pagkakasunod.
“I thought we were very rusty in the first half,” sabi ni coach Norman Black. “But in the second half we were able to take advantage of some mismatches and we’re able to get the victory.”
Hindi sumalang sina Chris Newsome at Cliff Hodge dahil sa health and safety protocols kasama ang mga assistant ni Black pati na ang kanilang team manager.
Ito naman ang ikatlong sunod na kamalasan ng Terrafirma para sa 3-7 marka matapos talunin ang San Miguel, nagdedepensang Barangay Ginebra at Blackwater.
Umiskor si Hugnatan ng walong puntos sa fourth period bilang bahagi ng inihulog na 18-4 bomba ng Bolts para iposte ang 14-point lead, 93-79, sa huling 2:18 minuto ng laro.
“We always study the other team and prepare for their offense,” wika ni Black. “But what we talked about is we just have to play together and play for one another.”
Nauna nang nakatabla ang Dyip sa 75-75 galing sa three-point shot ni big man Aldrech Ramos.
Binanderahan ni Ramos ang Terrafirma sa kanyang 15 markers habang may 14 points at 10 rebounds ni Joseph Gabayni.
Sa ikalawang laro, pinatibay ng NLEX ang kanilang tsansa sa quarterfinals matapos rapiduhin ang sibak nang Blackwater, 90-73.
Tinapos ng Road Warriors ang kanilang tatlong sunod na pagkatalo para sa 5-5 kartada at ipinalasap ang ika-10 sunod na kabiguan ng Bossing.
- Latest