^

PSN Opinyon

EDITORYAL - DA: Department of Angkat

Pilipino Star Ngayon
EDITORYAL - DA: Department of Angkat

Dapat baguhin na ang pangalan ng Department of Agriculture (DA) at gawin nang Department of Angkat. Kasi naman, angkat dito, angkat doon ang gina­gawa ng kagawarang ito. Naturingang Kagawaran ng Pagsasaka pero wala nang ginawa kundi umangkat ng bigas, asukal at ngayon naman ay isda. Nakakahiya na isang agricultural na bansa ang Pilipinas pero umaasa sa imported na bigas at asukal. Malawak ang karagatan pero umaangkat ng galunggong. Sa darating na panahon, baka mga gulay na ang angkatin. Sa kasalukuyan, ini-smuggle pa ang gulay (carrots, sibuyas, bawang) kaya hindi pa umaangkat.

Papaalis na si DA Sec. William Dar sa Hunyo 30, kasabay ni President Duterte pero bago umalis, pina­yagan pa nitong makapag-angkat ng 38,695 tonelada ng galunggong sa China. Noong nakaraang Pebrero umangkat na ang bansa ng 19,000 tonelada ng galunggong. Ang katwiran ni Dar, kulang ang supply ng galunggong dahil naapektuhan ng Bagyong Odette na nanalasa noong Disyembre 2021. Pero sabi ng mga lokal na mangingisda, wala namang kakulangan sa isda. Pinapatay umano ng ginagawang pag-aangkat ang pinagkakakitaan ng mga lokal na mangingisda.

Noong nakaraang Pebrero rin, asukal naman ang sinasabing aangkatin ng DA ngayong 2022. Ayon sa Sugar Regulatory Administration (SRA), 200,000 metrikong tonelada ng asukal ang aangkatin nga­yong taon para ma-stabilize ang presyo. Ayon sa SRA, nagkaroon ng kakulangan sa suplay ng asukal dahil sa Bagyong Odette. Nalugi umano ang sugar­cane sector ng P1.15 bilyon. Pero sabi ng mga sugar producers, masyado raw malaki ang inaangkat ng SRA. Dapat daw 50,000 metriko tonelada hanggang 150,000 lamang ang aangkatin.

Ano pa bang agri products ang aangkatin ng DA maliban sa bigas, gulay, asukal at isda? Anong nang­yayari sa bansa na ang inihahain sa hapag ay mga pagkaing inani sa ibang bansa. Malawak ang lupang sakahan at karagatan pero umaangkat.

Hindi pa inihahayag ni president-elect Ferdinand Marcos Jr. ang kanyang agriculture secretary. Sana makahanap siya ng taong mamumuno sa agriculture na ang isipan ay nakatuon sa pagpapayaman sa sariling ani at hindi umaasa sa ani ng ibang bansa. Hanapin niya ang taong magpaparami sa bigas para matupad ang pangako niya noong kampanya na magiging P20 bawat kilo ang bigas.

vuukle comment

DEPARTMENT OF AGRICULTURE

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with