^

PSN Opinyon

EDITORYAL - Bayani ng masa

Pilipino Star Ngayon
EDITORYAL - Bayani ng masa

GINUGUNITA ngayon ang ika-158 kaarawan ni Andres Bonifacio – ang itinuturing na bayani ng masang Pinoy. Sa mga ginagawang rally ng anak-pawis, ang kanyang bantayog ang laging gina­gawang tagpuan. Madalas magtipon sa kanyag monu­mento sa Caloocan ang mga manggagawa at ganundin sa Liwasang Bonifacio sa Maynila. Siya ang simbolo ng mga maliliit na manggagawa. Bagamat bawal ngayon ang pagtitipon dahil sa pandemya, lalagi pa rin siya sa alaala ng masa.

Sa lahat ng mga bayani, tanging ang kanyang kapanganakan ang ipinagdiriwang sa halip na ang naging kamatayan. Ito ay sapagkat masyadong kon­trobersiyal ang kanyang naging kamatayan. Karu­­mal-dumal ang kanyang kamatayan sa kamay ng mga kapwa rebolusyunaryo. Pinatay siya at kan­yang ka­patid na si Procopio noong Mayo 10, 1897 sa isang bundok sa Cavite ng mga tauhan ni Gen. Emilio Aguinaldo. Makaraang patayin, inilibing sila sa isang mababaw na hukay na walang palatandaan­ kaya hindi matiyak kung ang nahukay na buto noong 1918 sa pinangyarihan ng pagpatay ay kay Bonifacio. Inilagay sa isang urna ang mga buto at inilagak sa National Library na nasa Legislative Building sa May­nila. Nang bombahin ng mga Hapones ang Maynila noong 1942, kasamang nawasak ang mga buto ng bayani.

Ipinanganak si Bonifacio sa Tondo, Maynila noong Nobyembre 30, 1863. Lima silang magkakapatid at siya ang panganay. Maaga silang naulila kaya siya ang nagtaguyod sa kanyang mga kapatid. Marami siyang pinasukang trabaho. Nagtinda ng mga tung­kod at pamaypay. Nagtrabaho siya sa isang British company at pagkatapos ay sa German company. Kapag may libreng pagkakataon, nagbabasa siya ng mga libro ukol sa French Revolutions, akda ni Victor Hugo na Les Miserables at mga libro tungkol sa mga naging presidente ng America. Nabasa rin niya ang Noli Me Tangere at El Felibusterismo ni Dr. Jose Rizal.

Itinatag niya ang Katipunan. Sinimulan nila ang rebolusyon sa pagpunit ng mga sedula. Lumaban nang buong giting sa mga Kastila sa kabila na kulang sa armas. Tanging itak at pupugak-pugak na baril laban sa mga kanyon ng kalaban. Maraming­ namatay sa mga Katipunero. Pero sa kabila niyon, hindi sumuko si Bonifacio. Nakalulungkot na hindi siya namatay sa kamay ng mga kaaway kundi sa kamay ng mga kapwa rebolusyunaryo.

Mananatili sa isipan ng mamamayan ang ipinakitang tapang at labis na pagmamahal sa bayan ni Bonifacio. Walang kaduda-duda na siya ang tunay na bayani ng masang Pilipino.

vuukle comment

ANDRES BONIFACIO

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with