^

PSN Opinyon

EDITORYAL - Unahin, anomaly sa SAP bago DOE

Pilipino Star Ngayon
EDITORYAL - Unahin, anomaly sa SAP bago DOE

MAY bago na namang anomalyang pinasa­sabog­ si senador at presidential hopeful Manny Pacquiao. Ito ay ang maanomalyang scheme sa pamamahala ng Wholesale Electricity Spot Market (WESM) sa ilalim ni Department of Energy (DOE) Secretary Alfonso Cusi. Ito ay ayon kay Pacquiao, ang dahilan kaya mataas ang binabayarang kur­yente ng mamamayan. Sabi ni Pacquiao kung ang DOH ay may Pharmally at ang DSWD ay may Starpay, ang DOE ay may PEMC-IEMOP o Philippine Electricity Market Corp. at Independent Electricity Market Operator of the Philippines.

Bagong pasabog na naman ito at tila hindi watusi. Pero sana tuparin muna ni Pacquiao ang ipina­ngako noon na isisiwalat niya ang mga katiwalian sa pamamahagi ng Social Amelioration Program (SAP) na kinasasangkutan umano ng Department­ of Social­ Welfare and Development (DSWD). Nali­mutan­ na ba niya ang pangako? Bago umalis ang senador noong Hulyo para mag-ensayo sa laban sana kay Errol Spence Jr., na napunta naman kay Yordenis Ugas, ipinresenta pa niya ang talaksan ng dokumento na magdidiin umano sa katiwaliang kinasa­sangkutan ng SAP.

Kung makakakalkal ang isyu sa sinasabing ano­malya sa pamamahagi ng SAP, malalaman ang buong katotohanan at hindi manghuhula na lamang sa nangyari. Dapat mabatid sapagkat ang sangkot dito ay ayuda para sa mga mahihirap o maliliit na biktima ng pandemya.

Sabi ni Pacquiao, P10.4 bilyong pondo ng SAP ang nawawala. Ayon sa senador, 1.3 milyong benepisyaryo ang hindi nakatanggap ng ayuda na lubha pa namang kailangan dahil sa pandemya. Sabi pa ni Pacquiao, nakakalula sa laki ang nawalang pondo.

Hindi lamang ang bilyong pondo ang isiniwalat ni Pacquiao kundi pati na rin ang paggamit ng Starpay e-wallet para maipamahagi ang SAP. Mayroon daw inilaan na humigit-kumulang na P50 bilyon ang DSWD para sa isang hindi kilalang e-wallet na kung tawagin ay Starpay na ang paid-up capital lang ay P62,000. Pero nagtaka ang senador sapagkat sa 1.8 million na binigyan mula sa Starpay, 500,000 lamang­ daw ang nabigyan ng ayuda. Ayon sa senador, marami siyang ebidensiya.

Kung may sapat na katibayan, dapat ituloy ni Pacquiao ang ibinulgar na anomalya sa pamamahagi ng SAP. Saka na muna ang anomalya sa DOE. Mahirap ang puro umpisa. Kailangang may matapos siya para paniwalaan.

vuukle comment

MANNY PACQUIAO

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with