Bodega sa Valenzuela na may imbak na China scooters, sinalakay
MANILA, Philippines — Sinalakay ng magkasanib-puwersa na tauhan ng Bureau of Customs (BOC) at Armed Forces of the Philippines (AFP) ang isang bodega sa Valenzuela City na nadiskubreng naglalaman ng mga China-import scooters.
Sa ulat na isinumite kay BOC Commissioner Rey Leonardo Guerrero, nagsagawa ng inspeksyon ang Manila International Container Port-Customs Intelligence and Investigation Service (MICP-CIIS) at Enforcement and Security Service (MICP-ESS), katuwang ang AFPsa naturang bodega makaraan ang ulat na bagsakan ito ng mga smuggled na produkto.
Armado ng Letter of Authority at Mission Order mula kay Guerrero, pinasok ng mga awtoridad ang naturang bodega at doon tumambad ang mga imported na pangdekorasyon sa Pasko, mga resin, granite tiles, scooters na Chinese brand at iba pang produkto.
Tinataya na aabot sa P68 milyon ang halaga ng mga produkto. Hindi naman pinangalanan ng BOC ang importers ng mga ito na hinahanapan na umano nila ng kaukulang importation documents.
Sa oras na walang maipakitang papeles, nakatakdang isailalim sa kumpiskasyon ang mga produkto sa ilalim ng Section 224 ng Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).
- Latest