^

Metro

Pagkamatay ng pulis sa custody ng BOC, iimbestigahan ng QCPD

Mer Layson - Pilipino Star Ngayon

MANILA, Philippines — Magsasagawa ang Quezon City Police District (QCPD), sa ilalim ng pamumuno ni PBGen. Remus Medina, ng pa­rallel investigation hinggil sa pagkamatay ng isang pulis nila sa loob ng tanggapan ng Customs Intelligence and Investigation Services (CIIS) ng Bureau of Customs (BOC) sa Gate 3, South Harbor, Port Area, Manila noong Mayo 20.

Kinilala ni Medina ang napatay na pulis na si PEMS Celedonio Caunceran Jr., nakatalaga sa District Headquarters Support Unit (DHSU) sa QCPD Headquarters sa Camp Karingal, QC.

Base sa opisyal na incident report ng ­CIIS-BOC, na pirmado ni Director Jeoffry Tacio, lumilitaw na bago ang insidente ay nakatanggap ng impormasyon ang CIIS-BOC alas-5:15 ng hapon ng Mayo 20, hinggil sa kahina-hinalang armadong lalaki na namonitor na pagala-gala sa bisinidad ng BOC.

Kaagad umanong rumesponde sa lugar ang mga personnel ng CIIS-BOC sa 15th St., kanto ng Railroad Drive, sa Port Area, at sinita ang lalaki dahil sa paglabag sa Comelec Gun Ban.

Natukoy ang lalaki na si Caunceran pala, na kaagad ding dinala sa CIIS para maimbestigahan ngunit habang isinasagawa ang interogasyon ay nagpaalam umano ang pulis kay Special Agent 1 Jovan Lugtu, na gagamit ng palikuran alas-9:40 ng gabi.

Tinanggalan umano ng posas ni Lugtu si Caunceran ngunit paglabas nito ng palikuran ay bigla na lang nitong sinunggaban ang service firearm ni Lugtu na nauwi sa agawan ng baril sa pagitan ng dalawa.

Ang insidente ay nag­resulta sa pagkamatay ni Caunceran na nagtamo ng dalawang tama ng bala sa noo at dibdib.

Isinugod pa ang pulis sa Gat Andres Bonifacio Hospital ngunit dead-on- arrival na ito.

Anang CIIS-BOC, si Caunceran ay pinaghihinalaan ding may kinalaman sa insidente ng pag­hahagis ng granada at pamamaril sa ilang em­pleyado ng BOC.

Tiniyak naman ng QCPD na iimbestigahan nilang mabuti ang mga sirkumstansiya upang matukoy kung ano talaga ang naganap sa loob ng tanggapan ng CIIS-BOC na nauwi sa naturang trahedya.

“Nakakalungkot na humantong sa ganito ang insidenteng ito, kung sakali man na totoong may kina­laman sa PEMS Cauceran sa lahat ng ibinibintang sa kanya ay hindi ko kinukunsinti ang kanyang gawain at maging ang iba pang kapulisan ng QCPD na maaring gumagawa rin ng kahalintulad na bagay ay kailanman ay hindi ko kukunsintihin. May batas at proseso tayo para patunayan ang katotohanan ng isang pag-aakusa at ito ang ating laging sinusunod at ipinatutupad,” ani Medina.

vuukle comment

QCPD

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with