‘Di bakunado, partially vaccinated workers sa Metro Manila, papayagan sa PUVs
Sa loob na lamang ng 30 araw
MANILA, Philippines — Pinagkalooban ng gobyerno ng 30-araw na reprieve ang mga unvaccinated at partially vaccinated na manggagawa sa National Capital Region (NCR) upang makagamit ng mga pampublikong transportasyon.
Kasunod ito nang pagkakasundo nina Labor Secretary Silvestre Bello III, Interior Secretary Eduardo Año at Transportation Secretary Arthur Tugade na ikonsidera ang vaccination coverage sa Metro Manila.
Nabatid na ang naturang 30-day na reprieve ay nagsimula nitong Miyerkules, Enero 26, at magtatagal hanggang sa Pebrero 25.
Sa nasabing panahon, maaaring makasakay sa mga pampublikong transportasyon ang mga manggagawa kahit hindi pa sila fully vaccinated.
“Within the 30-day window, partially vaccinated workers are still allowed to board public transportation,” anang isang joint statement.
“However, since partially unvaccinated individuals are still at risk given that they do not have complete protection against the virus as clarified by the Health Department, they will not be allowed to use public transportation if vaccination remains incomplete within the 30-day window,” dagdag pa nito.
Matatandaang una nang nagpatupad ang pamahalaan ng ‘no vaccination, no ride’ policy sa mga lugar na nasa ilalim ng Alert Level 3 at pataas, bilang bahagi nang pagsusumikap ng pamahalaan na mapigilan ang pagkalat ng COVID-19, na dulot ng mas nakahahawang Omicron variant, at maprotektahan ang mga hindi bakunado laban sa sakit. Ang NCR ay kasalukuyang nasa Alert Level 3 hanggang sa katapusan ng buwan.
Umani naman ito ng pagbatikos mula sa iba’t ibang grupo.
Ayon kay DOTr Undersecretary for Administrative Service at official representative to the Inter-Agency Task Force Artemio Tuazon Jr., ang naturang 30-day reprieve ay may layuning mabigyan ng sapat na pagkakataon ang mga manggagawa na makumpleto ang kanilang bakuna laban sa COVID-19.
- Latest