2 arestado sa gun ban
MANILA, Philippines — Arestado ang dalawang lalaki makaraang mahulihan ng mga baril sa magkahiwalay na operasyon na isinagawa sa Muntinlupa at Parañaque City.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act RA10591 (Qualified Unlawful Possession of Small Firearm) at Batas Pambansa 881 (Omnibus Election Code) ang mga nadakip na kinilalang sina Benjie Trinidad Librella, 35, ng Poblacion, Muntinlupa City; at Romnick Sison Sarmiento, 28, ng Purok 4, Lower Bicutan, Taguig City.
Sa ulat ng Poblacion Police Sub-station ng Muntinlupa Police Station, dahil sa umiiral na gun ban kaugnay sa May 9 elections, isang tawag ng concerned citizen ang nirespondehan nila hinggil sa isang lalaking may kahina-hinalang kilos na nakatambay sa madilim na bahagi ng Phase 4, Block 5 Southville 3, Brgy. Poblacion.
Agad isinagawa ang Simultaneous Anti-Criminality and Law Enforcement Operation (SACLEO) dakong alas -9:15 ng gabi kamakalawa kung saan nga doon nadakip si Librella na nasamsaman ng isang kalibre.38 baril.
Samantala, si Sarmiento naman ay nadakip sa Comelec checkpoint ng Parañaque City Police, alas -12:30 ng madaling araw kahapon.
Dumaan umano si Sarmiento sa checkpoint ng Don Bosco Police Sub-station nang siya ay parahin at sa halip na huminto ay humarurot.
Itinawag ito sa mga kasamahang pulis na nasa unahan na humarang sa papatakas na suspek at nang hingan ng driver’s license at registration ng motorsiklo ay nagbukas ng sling bag, dahilan upang sumungaw naman ang dalang Llama 9 mm Parabellum, isang magazine at 5 bala.
- Latest