2 wanted na Koreano, huli sa Taguig
MANILA, Philippines — Nadakip ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI)-Fugitive Search Unit ang dalawang South Korean national dahil sa kasong panggagantso sa kanilang mga kababayan sa pamamagitan ng ‘telecommunications fraud’ sa Taguig City.
Kinilala ni Immigration Commissioner Jaime Morente ang mga nadakip na sina Han Juyoung at Kim Sihun, kapwa 26-anyos. Naaresto sila sa magkahiwalay na pagsalakay sa dalawang condominium units sa Taguig City.
Inaresto ang dalawa sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng Seoul Central District Court noong Mayo 2020 dahil sa kasong fraud.
Sinabi ni Morente na agad na ibibiyahe pabalik ng South Korea ang dalawa dahil sa nakalabas na ang kautusan para sa kanilang ‘summary deportation’ na noong nakaraang taon pa inisyu ng BI board of commissioners.
Ilalagay rin ang kanilang mga pangalan sa immigration blacklist para hindi na makabalik ng bansa bilang “undesirable aliens”.
Nabatid na may nakaisyu nang “red notice” sa dalawa mula sa Interpol. Aabot umano sa 29 milyong won o 25,000 US dollars ang natangay ng dalawa sa kanilang mga biktima gamit ang “voice phising method” kung saan ginagamit nila ang mga financial institutions na nagpapautang para manloko sa kanilang mga biktima.
Nakaditine ang dalawa sa BI warden facility sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City habang hinihintay ang kanilang deportasyon.
- Latest