Alert level 3 sa NCR sa Oktubre, giit ng mga negosyante
MANILA, Philippines — Nais ni Presidential Adviser for Entrepreneurship Secretary Joey Concepcion na mailagay na sa Alert Level 3 ang National Capital Region (NCR) sa pagpasok ng Oktubre, ang simula ng 4th quarter ng taon.
Ayon kay Concepcion, hiniling ng business sector sa meeting kasama ang medical groups at Philippine Medical Association na payagan na magbukas ang mas maraming negosyo katulad ng mga spas, salons at gyms na pinapayagan sa Level 3.
“Well, malapit na tayo sa fourth quarter next week ‘no, beginning October. So ang hinihingi ng private sector—bago iyan, may meeting…with the medical groups ‘no, kasama iyong Philippine Medical Association. And we presented to them and lahat ng mga sektor katulad ng mga restaurants, mga spa, mga salons, mga gyms ay humingi na sana dapat ipalagay na natin sa Level 3 sa pagpasok natin sa fourth quarter,” ani Concepcion.
Idinagdag ni Concepcion na sa fourth quarter maaaring makabawi ang mga negosyo dahil tataas ang consumer spending dahil sa paghahanda sa Pasko.
“Alam naman natin, sa fourth quarter, itong talagang puwedeng magbawi ng … sa mga negosyante, mga lugi nila. So tataas dito iyong consumer spending dahil sa Christmas ‘no at palagay ko, election spending. So importante ang quarter na ito na sana ay ipalagay na ang quarantine, ibaba sa Level 3,” dagdag pa nito.
Sinabi rin ni Concepcion na dapat itaas pa ang capacity sa mga bubuksang negosyo para mabawi ang lugi at mabayaran ang 13th month pay ng mga empleyado.
- Latest