Pulis na nasasangkot sa pamamaril, dumarami
MANILA, Philippines — Inutos ni PNP Chief Gen. Guillermo Eleazar ang pagsasagawa ng regular gun safety training matapos na aksidenteng mabaril ng isang pulis ang kanyang kaibigan sa Tondo, Maynila kamakailan.
Ayon kay Eleazar, kailangan na alam ng bawat pulis sa lahat ng oras ang pag-iingat ng kanilang mga service firearm.
“Nagbigay na ako ng direktiba to review, i-check, siguraduhin ang regular conduct of gun safety training sa ating mga pulis para manumbalik ang pag-iingat nila sa paggamit o pagdadala ng mga baril,” ani Eleazar.
Paliwanag ni Eleazar, nakakabahala ang mga report na nasasangkot sa pamamaril ang mga pulis. Dapat na alam ng mga ito ang kanilang responsibilidad bilang pulis at paghawak ng baril.
Matatandaang halos sunud-sunod ang pagkakasangkot ng mga pulis sa pamamaril na kinabibilangan ng insidente ng pagbaril ni Staff Sgt Jonel Nuezca sa Paniqui Tarlac sa mag-inang Sonia at Anthony Gregorio; Police Master Sgt. Hensie Zinampan pagpatay kay si Lilibeth Valdez, 52 sa Quezon City at ang aksidenteng pagkakabaril ni Cpl. Oliver Ferrer sa rider na si Jason Capistrano sa Tondo, Maynila noong Biyernes.
Lumilitaw na aksidenteng nabaril ni Ferrer ang kaibigan habang pinaglalaruan ang baril.
“Kahit sabihin magkaibigan, magkakila, aksidente o hindi, responsibilidad ng pulis kung anuman ang consequence ng kanyang action,” dagdag pa ni Eleazar.
Nasa kustodiya na ng MPD si Ferrer habang inihahanda ang kasong homicide.
- Latest