Nagwagi sa barong-design contest sa inagurasyon ni BBM, inaabangan
MANILA, Philippines — Inaabangan na kung sino ang masuwerteng designer ng barong na gagamitin ni President-elect Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. sa kanyang inagurasyon sa Huwebes.
Ayon kay Jay Herrera, opisyal na image specialist ni Marcos sa nakalipas na walong taon, iaanunsiyo nila agad kung sino ang mananalo sa barong-design contest.
“As of this moment, wala pang official design para sa BBM. Ang kanyang kapatid na si Irene (Marcos-Araneta) ay nagsasagawa ng isang paligsahan sa mga taga-disenyo upang makuha ang pinakamahusay na disenyo. Pero dalawa hanggang tatlong araw na ang desisyon,” ani Herrera.
Kasama rin sa patimpalak ang mga barong na isusuot ng kanyang tatlong anak. Samantala may napili ng designer para kay incoming First Lady Liza Araneta Marcos (LAM).
Sinabi ni Herrera na si Marcos ay kadalasang nakasuot ng Jusi o shirt-jack barong na idinisenyo ni Avel Bacudio sa mga nakalipas na linggo o bago ang halalan noong Mayo 9.
Samantala, sinabi rin ng image specialist na tinitiyak niyang presentable ang ayos ni Marcos na kalimitan ay binabalewala ang kanyang hitsura.
“Hindi siya vanidoso, hindi siya ganun ka-conscious sa kanyang appearance. Si Sir, kung ano ang itsura niya pagkaligo niya, ok na sa kanya ‘yun. As is, where is. Kaya minsan may mga pictures siya na may part ng buhok niya na nakatikwas,” ani Herrera.
“Kaya ‘yung mga ganun ang babantayan ko para ma-maintain ang dignified appearance niya. Kailangan maayos siya tingnan lagi. I will also assist him in dressing,” dagdag ni Herrera.
- Latest