Election protests, bumaba — Comelec
MANILA, Philippines — Bumaba ang bilang ng natanggap na ‘election protests’ ng Commission on Elections (Comelec) na naitala lamang sa 30 kumpara sa mga numero ng mga nakaraang halalan.
Sinabi ni Comelec Commissioner George Garcia na higit na mababa ang 30 protesta na natanggap ng Electoral Contests Adjudication Department nitong Mayo 23 kumpara sa aabot sa 60 noong 2019 Midterm Elections.
Ilan umano sa mga posibleng dahilan ay ang pagiging magastos ng proseso ng protesta para mapatunayan ito at posibleng tanggap na talaga ng mga kandidato ang kanilang pagkatalo.
Ang isa pang malaking dahilan ay ang maaaring tanggap din nila na ‘accurate’ ang ginamit na mga ‘vote counting machines’ na sinalamin din ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) na nagsasagawa ng kanilang ‘parallel vote count’.
Kabilang sa 30 reklamo ay may kaugnayan sa ‘vote buying’, terorismo, karahasan, disenfranchisement o hindi nakabotong botante, at naglolokong mga VCMs.
Ipinaliwanag ni Laudiangco na may hurisdiksyon lamang ang Comelec sa mga electoral protest na sangkot ang mga lokal na posisyon sa mga siyudad, probinsya at mga rehiyon.
- Latest