Pinas, India magtutulungan sa produksyon ng generic medicines
MANILA, Philippines — Balak ni presumptive president Ferdinand Marcos, Jr. na magkaroon ng kasunduan ang Pilipinas at India upang mas palakasin pa ang lokal na produksiyon ng mga generic na gamot sa bansa.
Sa isang press briefing, ibinahagi ni Marcos ang kanyang pakikipagpulong kay Indian Ambassador Shambhu S. Kumaran at iba pang miyembro ng diplomatic corps sa kanyang headquarters sa Mandaluyong City.
“India is one of the largest manufacturers of generic drugs. We could go into partnership para magkaroon ng production dito sa Pilipinas,” ani Marcos.
“I have no doubt na ‘yung manufacturers natin ay kaya nila pero we will get advice dahil may experience ang India,” dagdag pa niya.
Ang India ay kilala bilang isang ‘pharmaceutical powerhouse’ at kinukunsidera na pinakamalaking manufacturer ng generic medicines sa buong mundo na may 20% share ng global pharmaceutical exports.
Sa kanila rin nagmula ang higit sa kalahati ng lahat ng mga bakuna na ginawa sa buong mundo.
Nitong 2021, ang kanilang pharmaceutical sector ay nagkakahalaga ng US$42 bilyon.
“I think the new administration will carry forward the dialogue with the view of creating domestic capacities in the pharmaceutical sector to contribute to the health security of the Philippines,” ayon kay Ambassador Kumaran.
Bukod sa pagkakaroon ng malakas na ugnayan pagdating sa produksiyon ng gamot, napag-usapan din nina Marcos at Kumaran ang pagpapatuloy ng magandang ugnayan ng Pilipinas at India.
- Latest