Kaso ng COVID-19 sa NCR pumapatag na - DOH
MANILA, Philippines — Nagkakaroon na ng pagpatag ang mga kaso ng COVID-19 sa National Capital Region (NCR) ngunit maaaring dulot umano ito ng hindi pagpapasailalim sa testing ng maraming residente na nakakaramdam ng mga sintomas.
“Atin naman po sinasabi na oo bumabagal po ang pagtaas ng mga kaso. Meron po tayong nakikita na parang nagpla-plateau dito sa National Capital Region,” ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire.
Sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na marami sa mga taga-Metro Manila ang nagsasarili na lamang ng ‘antigen test’ habang mas marami ang hindi na nagti-test at nagkukusa na lamang mag-isolate.
Ngunit hindi lamang umano umaasa ang DOH sa mga numero ng kaso bago magdeklara na nagkakaroon na ng pagpatag ng mga kaso. Kailangan umanong pag-aralan ang ibang mga metriko bago masabi na nagkakaroon na ng pagbaba sa trend nito.
Samantala, inabisuhan din ni Vergeire ang ibang rehiyon sa bansa na maghanda sa posibleng pagtaas pa ng kaso sa kanilang lugar makaraang marami pang maidagdag sa Alert Level 4 at Level 3 ang pamahalaan.
Sinabi ni Vergeire na kailangang mag-ipon na ng mas maraming gamot, ihanda pang lalo ang mga pagamutan, at pataasin pang lalo ang bakunahan para malabanan ang posibleng pagtaas pa ng mga kaso.
- Latest