Omicron tiyak na makakapasok din sa Pinas - Duque
MANILA, Philippines — Nakakatiyak si Health Secretary Francisco Duque na makakapasok din ng Pilipinas ang Omicron variant ng COVID-19.
Pero sinabi ni Duque na hindi isyu kung makakapasok kundi kailan makakapasok.
Ginawa ni Duque ang pahayag matapos matanong ni Pangulong Rodrigo Duterte kung may posibilidad ba na makapasok sa bansa ang bagong variant na sinasabing mas mabilis makahawa.
“Yes, sir. It is a matter --- it’s not a matter of ‘if,’ okay? It’s a matter of ‘when.’ So talagang iyan po, papasok ‘yan just as we have experienced with Alpha, Beta, Delta among the more compelling variants of concern, Mr. President,” paniniyak ni Duque.
Aminado ang Pangulo na nakakabahala ang nasabing mutant at sana naman aniya ay malabanan pa rin ito ng bakuna.
“Talagang mutant lang so it would worry us if it is more easily to transmit and itong potency ng bakuna will it work against this Omicron? Sana naman,” ani Duterte.
Ang pinakamabuti anyang paraan para maiwasan ang Omicron ay ang nakagawian nang “hugas, mask, iwas.
“Alam mo actually it’s a mutant. The response is almost the same: hugas, mask, iwas,” ani Duterte.
Maaari rin aniyang gamitin ang face shield bilang karagdagang proteksiyon.
Kaya lubhang kailangan aniya na paigtingin ang “Prevention, Detection, Isolation, Treatment and Reintegration.”
Kailangan din aniya na maipaintindi sa mga mamamayan ang tatlong “major interventions” katulad ng pagsunod sa minimum public health standards; pataasin pa ang vaccination rate at ipagpatuloy ang pagpapatatag ng health systems capacity bilang paghahanda sa “worst-case scenario.”
Dapat aniyang samantalahin na mababa pa ang bilang ng kaso ng COVID-19 para paghandaan ang pagpasok ng Omicron variant.
- Latest