7 bansa pa nadagdag sa ‘red list’ vs Omicron
MANILA, Philippines — Pitong bansa pa sa Europa ang inilagay sa travel ban at nasa red list o high risk dahil sa COVID-19 variant na Omicron.
Sa isang pahayag ni acting presidential spokesman Karlo Nograles, epektibo kahapon, Nobyembre 28 ay sakop ng travel ban ang mga bansang Austria, Czech Republic, Hungary, Netherlands, Switzerland, Belgium at Italy.
Ang travel ban sa nasabing mga bansa ay tatagal hanggang Disyembre 15.
Nauna nang inanunsiyo ng Malakanyang ang travel ban ng mga biyahero mula South Africa, Botswana, Namibia, Zimbabwe, Lesotho, Eswatini at Mozambique.
“Inbound international travel of all persons, regardless of vaccination status, coming from or who have been to Red List countries/jurisdictions/territories within the last 14 days prior to arrival to any port of the Philippines shall not be allowed,” dagdag pa ni Nograles.
Habang ang mga biyaheng papayagan mula sa mga bansang nasa ‘red list’ ay ang para sa repatriation program ng pamahalaan, na daraan pa rin sa masusing proseso.
Samantala, hindi naman kasama ang Hong Kong sa updated na listahan na nasa red list kahit mayroon na rin kaso ng Omicron variant.
Subalit ang mga biyahero naman na manggagaling sa HK ay dadaan sa proseso simula kahapon, tulad ng mga nagmula sa mga lugar na nasa “yellow list”.
“Inbound international travellers coming from Hong Kong shall comply with the testing and quarantine protocols for ‘Yellow’ list countries,” ayon pa kay Nograles.
- Latest