Mag-utol na Pharmally execs ‘di mahagilap
MANILA, Philippines — Matapos na ipa-contempt, hindi pa rin mahagilap ng Senado ang magkapatid na opisyal ng Pharmally Pharmaceutical Corporation.
Sinabi ni Senate Sergeant at Arms retired Major General Rene Samonte, na hindi pa nila maibigay ang arrest order laban kay Mohit at Twinkle Dargani dahil wala sila sa kani-kanilang mga condominium.
Bagama’t kinumpirma naman umano ng mga staff ng condo at security na kay Mohit at Twinkle ang condo units sa Bonifacio Global City at Greenhills,subalit sarado ito at walang tao hanggang noong Martes ng gabi.
Sa palagay ni Samonte nagtatago na ang magkapatid kaya patuloy nila itong hahanapin sa mga susunod na araw.
Magugunita na sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee ay ipina-contempt ng mga senador si Mohit at Twinkle matapos na mabigong ibigay ang mga kinakailangang dokumento na hinihingi ng komite.
Kabilang sa hinihingi na dokumento ay ang purchase ng Procurement Service ng Department of Budget and Management na nagkakahalaga ng P8.6 bilyon halaga ng face masks, face shields, at PPEs mula sa Pharmally.
- Latest