Nadali ng COVID-19 sa Pilipinas tumalon na sa 2.73 milyon katao
MANILA, Philippines — Nakapagtala ang Department of Health (DOH) ng 4,496 bagong infection ng coronavirus disease, Martes, kung kaya nasa 2.73 milyon na sumatutal ang nahahawaan nito sa bansa.
Batay sa mga bagong nakalap na datos ng Kagawaran ng Kalusugan, narito ang bagong mga pasok na datos para araw na ito:
- lahat ng kaso: 2,731,735
- nagpapagaling pa: 63,637, o 2.3% ng total infections
- bagong recover: 9,609, dahilan para maging 2,627,126 na lahat ng gumagaling
- kamamatay lang: 211, na siyang nag-aakyat sa total local death toll sa 40,972
30 eskwelahan balik face-to-face next month
-
Tuloy na tuloy na ang face-to-face classes ng nasa 30 public schools sa Pilipinas sa ika-15 ng Nobyembre sa gitna ng pandemya, ayon sa Department of Education. Ito'y kahit na mahigit 100 ang tinukoy noon para sa pilot run nito.
-
Gugulong naman na ang pagpapatupad ng "alert level systems" kontra-COVID-19 sa ilang piling probinsya at lungsod sa labas ng Metro Manila simula bukas, pagkukumpirma ni presidential spokesperson Harry Roque kanina.
-
Papalo naman na sa 38,811 sa mga 123,848 na presong hawak ng Bureau of Jail Management and Penology ang sinasabing nakakumpleto na ng bakuna laban sa COVID-19. Kumakatawan ito sa 31.34% ng naturang populasyon na nakakulong.
-
Walang ebidensyang susuporta sa paratang na naglabas ng "false positive" COVID-19 results ang isang laboratoryo ng Philippine Red Cross, ayon sa pahayag na inilabas ng Research Institute of Tropical Medicine. Ito'y matapos pagbabanatan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang resultang inilalabas ng naturang organisasyon na pinamumunuan ng kritiko niyang si Sen. Richard Gordon.
-
Sumadsad naman ang COVID-19 reproduction rate ng Metro Manila sa pinakamababa nitong antas simula Mayo, ayon sa pinakahuling monitoring ng OCTA Research Group.
-
Nakakuha naman na ng kumpletong COVID-19 doses ang nasa 24.49 milyong katao sa Pilipinas simula nang umarangkada ito nitong Marso. Bahagi lang 'yan ng kabuuang 52.78 bakunang naiturok sa bansa ngayon.
-
Umabot na sa 240.26 milyon ang tinatamaan ng COVID-19 sa buong daigdig, ayon sa huling datos ng World Health Organization. Sa bilang na 'yan, patay na ang 4.89 milyong katao.
— James Relativo
- Latest