Unang araw ng pagbabakuna sa kabataan walang naitalang side effect – DOH
MANILA, Philippines — Walang nakitang adverse reaction sa mga kabataang kabilang sa “Pediatric A3 group” na naturukan ng COVID-19 vaccines sa unang araw ng rollout ng pamahalaan noong Biyernes.
“Wala po tayong na-i-report na untoward, adverse reaction among these [vaccinated] children,” ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire.
Una nang iniulat ng National Task Force (NTF) against COVID-19 na umabot sa 1,151 kabataan ang naturukan nila nitong Biyernes, Oktubre 15, na unang araw ng vaccine rollout para sa mga batang may comorbidities.
Idinaos ang pagbabakuna sa walong ospital sa Metro Manila na kinabibilangan ng National Children’s Hospital, Philippine Children’s Medical Center, Fe Del Mundo Medical Center, Philippine Heart Center, Pasig City Children’s Hospital, PGH, St. Luke’s Medical Center BGC, at Makati Medical Center.
Unang binakunahan ang mga 15-17 taong gulang habang isusunod ang nasa 12-14 year-old age bracket.
Sa pagtaya ng DOH, mayroong 1.2 milyong kabataang edad 12 hanggang 17 na may comorbidities sa bansa.
- Latest