Red Cross ipa-audit na sa COA
MANILA, Philippines — Inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte si Solicitor General Jose Calida na pormal na hilingin sa Commission on Audit (COA) na busisiin ang pinansiyal na records ng Philippine Red Cross (PRC) at isagawa ang audit sa lalong madaling panahon.
Nauna nang iginiit ng Malacañang na ang pondo ng gobyerno na ibinabayad sa PRC sa pagsasagawa ng COVID-19 tests ay maaaring i-audit ng COA.
Ang PRC ay pinamumunuan ni Sen. Richard Gordon na tumatayong chairman ng Senate Blue Ribbon Committee at nag-iimbestiga sa diumano’y overpriced na face mask, face shield, at iba pang gamit ng mga medical workers pangontra sa COVID-19.
Sinabi pa ng Pangulo na hindi siya natatakot kay Gordon na tinawag niyang kawatan at ginagatasan ang Red Cross.
“Susmaryosep Gordon hindi mo ako matakot not in a million years. Hindi ako kawatan kagaya mo. Wala akong Red Cross na ginagatasan araw-araw. It’s not my style,” ani Duterte.
Nauna rito, sinabi ni COA chairperson Michael Aguinaldo sa pagdinig sa Kamara na wala silang jurisdiction sa PRC pero maaari nilang silipin ang ibinabayad ng gobyerno sa organisasyon.
- Latest