PANOORIN: Palace ipaiimbestiga reklamo sa allowance ng PH athletes
MANILA, Philippines — Ipaiimbestiga ng Malacañang ang mga reklamo kaugnay ng pinansiyal na suportang natatanggap ng mga atletang Pilipino sa gitna ng 2026 Asian Games sa Nagoya, Japan.
“Unang-una, papa-imbestigahan po ito para malaman natin kung ano ba iyong naranasan ng ating mga athletes, mga ating manlalaro,” ani Palace Press Officer Claire Castro nitong Lunes, Setyembre 28.
Sinabi rin ni Castro na “ayaw na ayaw” ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na nahihirapan ang mga atletang kumakatawan sa bansa dahil maaari itong magmukhang hindi natutugunan ng gobyerno ang kanilang mga pangangailangan.
Nauna nang isiniwalat ni Alas Pilipinas men’s volleyball star Bryan Bagunas na hindi pa natatanggap ng koponan ang kanilang mga allowance mula pa noong Hulyo.
Ayon kay Bagunas, napilitan pang mangutang ang ilan sa kanyang mga kasamahan upang matustusan ang kanilang pangangailangan habang nagsasanay.
Sinabi rin niyang allowance mula sa Philippine Sports Commission (PSC) lamang ang kanilang natatanggap.
“Siyempre, pati dito, naging allowance lang namin is from the PSC. Other than that, wala na. As in, sarili-sarili na. Minsan, kami na iyong gumagastos ng lunch namin, pagkain namin. Kasi hindi na kami maabot sa meal eh, kasi iyong training namin is alanganin sa time ng meal time sa hotel,” ani Bagunas.
- Latest























