SEA Plus Youth Games isinusulong ni Tolentino

MANILA, Philippines — Isinusulong ni Philippine Olympic Committee (POC) president Abraham “Bambol” Tolentino ang paglikha ng isang bagong multi-sport event para sa kabataan —ang Southeast Asian Plus Youth Games (SEA Plus YG)—upang ihanda ang mga atleta para sa Asian Youth Games (AYG) at Youth Olympic Games (YOG).
Ang biennial meet na unang gaganapin sa Maynila sa 2028, ay magtatampok ng mga atleta na may edad 17 pababa at kasama ang mga mandatory sports, Olympic sports, at tradisyonal na laro.
Siyam sa 11 NOC ng SEA Games ang sumang-ayon, at suportado ito ng Olympic Council of Asia.
Maliban sa Pilipinas, pabor din ang Thailand, Indonesia, Malaysia, Laos, Cambodia, Myanmar, Vietnam at Timor Leste sa plano.
Sa isang pahayag, sinabi ni Tolentino na ang SEA Plus YG ay huhubog sa mga atleta sa grassroots level, gagawin silang palaban sa AYG level, at kakayahan na manalo ng medalya sa YOG.
“The SEA Plus YG is Southeast Asia’s answer to molding athletes at the grassroots level, make them competitive at the AYG level and able and capable of winning medals at the YOG,” wika ni Tolentino.
Ang unang edisyon ng SEA Plus YG ay nakatakda sa Maynila sa 2028 at gaganapin bawat dalawang taon upang makasunod sa AYG, ang pangalawang pinakamalaking ng palarong pampalakasan sa Asya pagkatapos ng Asian Games.
Ang mga bansang kalahok sa SEA Games ay nanatiling nasa likod ng mga bansang powerhouse sa Asya sa AYG.
Sa ikatlong edisyon ng AYG sa Bahrain noong Oktubre, ang Pilipinas ay nakakuha ng rekord na siyam na gold medals, pangalawa sa Thailand na may 15 golds.
Ang “Plus” sa SEA Plus YG ay tumutukoy sa pag-imbita ng hindi bababa sa isang NOC mula sa ibang sub-region ng Asya upang magbigay ng karagdagang kompetisyon para sa mga atleta ng rehiyon.
“Ultimately, the end goal is for these young athletes to have those strong foundations to contend at the Summer and Winter Olympics,” wika pa ng POC chief.
Si Tolentino, na honorary president ng SEA Games Federation Council, ay nagsabi na ang programa ay binubuo ng dalawang mandatory sports, maximum na 12 Olympic sports, maximum na limang Asian non-Olympic sports, at isang tradisyonal na sport na may hanggang anim na medal event.
“The SEA Plus YG is an elite-level, developmental and culturally unifying multi-sport event as we have stated in the games’ charter,” ani Tolentino,.
Kasabay ng SEA Plus YG, si Tolentino ay aktibong nagtatrabaho sa pag-transition ng SEA Games sa ASEAN Games upang iangat ang brand ng ASEAN sa global na antas hindi lamang sa larangan ng palakasan kundi pati na rin sa ekonomiya at pulitika.
- Latest























