Ika-12 BPC trophy target ni Fajardo

MANILA, Philippines — Inaasahang makakamit ni San Miguel star center June Mar Fajardo ang kanyang ika-12 PBA Best Player of the Conference award sa Season 49 Philippine Cup.
Bumabandera ang eight-time PBA MVP ng 40.4 average statistical points mula sa kinolektang 17.5 points, league-best 13.1 rebounds at 3.3 assists para sa top individual trophy ng season-ending conference.
Nauna nang nakamit ng 6-foot-10 na si Fajardo ang BPC plum sa nakaraang season-opening Governors’ Cup na pinagharian ng TNT Tropang 5G kasama si import Rondae Hollis-Jefferson.
Sumusunod kay Fajardo si SMB teammate CJ Perez na may 38.5 SPs mula sa kanyang tournament-best 23.4 markers bukod sa 4.9 boards, 4.3 assists at 1.8 steals.
Nakatakdang sagupain ng Beermen ang Meralco Bolts sa quarterfinals.
Nasa ilalim nina Fajardo at Perez sina NLEX star guard Robert Bolick at Zav Lucero ng Magnolia na may 37.6 SPs at 37.3 SPs, ayon sa pagkakasunod.
Ang iba pang nasa Top 10 ay sina Jason Perkins (35.5 SPs) ng Phoenix, Calvin Oftana (35.4 SPs) ng TNT, Justin Arana (34.6 SPs) at Justine Baltazar (34.6 SPs) ng Converge, Japeth Aguilar (34.2 SPs) ng Barangay Ginebra at William Navarro (27.3 SPs) ng Magnolia.
Ihahayag ang BPC winner sa Game Four ng Philippine Cup Finals.
- Latest