De Guzman, Belen ‘di pinayagang maglaro sa PVL on Tour

MANILA, Philippines — Kaagad makakasagupa ng Creamline ang Capital1 Solar Energy sa paghataw ng 2025 Premier Volleyball League (PVL) on Tour sa Vigan, Ilocos Sur sa Linggo.
Magtutuos ang Cool Smashers at Solar Spikers sa alas-6:30 ng gabi matapos ang banggaan ng Cignal HD Spikers at Akari Chargers sa alas-4 ng hapon.
Ngunit hindi makikita sa aksyon para sa Creamline ang nagbabalik na si veteran setter Jia De Guzman at si three-time UAAP MVP at 2025 PVL Draft No. 1 overall pick Bella Belen sa panig ng Capital1.
Hindi kasi pinayagan ni Brazilian coach Jorge Souza de Brito sina De Guzman at Belen at ang mga miyembro ng Alas Pilipinas na maglaro sa PVL on Tour.
Mananatili sina De Guzman at Belen sa national team mula Mayo 15 hanggang Oktubre 15 kung saan sila lalahok sa mga international tournaments bilang paghahanda sa 33rd Southeast Asian Games sa Thailand sa Disyembre.
Samantala, maglalaban sa Lunes sa Vigan City ang HD Spikers at Solar Spikers sa alas-4 ng hapon, habang sa alas-6:30 ng gabi ang duwelo ng Cool Smashers at Chargers.
Mula sa Vigan, Ilocos Sur ay dadalhin ang mga laro ng PVL on Tour sa Batangas City sa Hunyo 28 tampok ang salpukan ng Choco Mucho at Galeries Tower sa alas-4 ng hapon na susundan ng bakbakan ng All-Filipino Cup champion Petro Gazz at Nxled sa alas-6:30 ng gabi.
- Latest