L.A. Lakers ibebenta ng $10 bilyon

LOS ANGELES — Pumayag ang Buss family na ibenta ang kanilang controlling stake sa Lakers kay businessman Mark Walter sa halagang $10 bilyon na magiging highest-valued sports team sa US history.
Habang magpapatuloy si Jeanie Buss sa pagiging Lakers governor, ang kasunduan ang tatapos sa kanilang 47 taong pamamahala sa NBA iconic franchise.
Si Walter ang CEO ng holding company TWG Global na humahawak sa mga professional sports teams kagaya ng Los Angeles Dodgers at Los Angeles Sparks.
Ang TWG ang may-ari rin ng Billie Jean King Cup tennis tournament at ng Cadillac Formula One team.
“Mark is the best choice and will be the best caretaker of the Laker brand,” ani Lakers legend Magic Johnson. “The proof is in the pudding on what he’s been able to accomplish with the LA Dodgers. Mark has been nothing short of a winner.”
Ang Lakers franchise ay binili ni Jerry Buss noong 1979 at kaagad naging isang sporting powerhouse at globally recognized brand.
Sa ilalim ni Buss ay nagwagi ang Lakers ng 11 NBA championships tampok ang “Showtime” Lakers ni Johnson at ng namayapang si Kobe Bryant.
Si Walter ay nauna nang naging minority owner ng Lakers simula noong 2021 nang bumili siya ng share ng koponan na nagbigay din sa kanya ng unang karapatang bilhin ang prangkisa kung magdesisyon ang Buss family na ibenta ito.
Nauna nang pumayag si businessman Bill Chisholm na bilhin ang Boston Celtics sa halagang $6.1 bilyon.
Naghihintay pa ito ng final approval ng NBA Board of Governors na nakatakdang magpulong sa Las Vegas sa susunod na buwan.
- Latest