Oranza, Prado unang susubok sa Tagaytay Velodrome
MANILA, Philippines — Unang matitikman nina Ronald Oranza at Jermyn Prado ang world-class Tagaytay City Velodrome na pormal nang bubuksan sa Lunes.
Pangungunahan ni Philippine Olympic Committee (POC) at PhilCycling president Abraham “Bambol” Tolentino ang inauguration ng brand new indoor cycling facility sa Tagaytay City.
Sina Oranza at Prado na multiple medal winners sa international competitions, ang babandera sa trial ng 250-meter indoor at International Cycling Union-standard velodrome bitbit ang Philippine at PhilCycling flags.
Ang programa ay bahagi ng selebrasyon ng Olympic and World Bicycle Day at Tagaytay City’s 87th Charter Day.
“This is to formally and officially announce the formal opening of the Tagaytay City Velodrome, the first of its kind in the country and one that’s of UCI standard,” ani Tolentino na siya ring mayor ng Tagaytay City.
Nasa naturang lungsod din ang international-standard facilities para sa BMX Racing at Freestyle, Skateboarding gayundin ang venues para sa combat sports.
Nauna ng kinansela naman ang Baguio City-Tagaytay City PhilCycling Classic—na 292-km endurance road race ng top 30 finishers sa Tour of Luzon: The Great Revival—na magsisimula sana sa Camp John Hay at magtatapos sa velodrome.
Sa halip, inilipat ang Baguio City-Tagaytay City PhilCycling Classic sa Nobyembre 11.
Sa lunes, idaraos din ng POC ang signing of contracts para sa Olympic Solidarity Scholarship and Grants Program tampok ang siyam na atleta na makikinabang ng training scholarships para naman sa Los Angeles 2028 Olympics habang may 12 naman sa Support Grant para sa Continental Athletes.
- Latest