E-Painters humirit sa Road Warriors

MANILA, Philippines — Humirit ng ‘do-or-die’ game ang No. 7 Rain or Shine matapos itakas ang 92-89 panalo kontra sa No. 2 NLEX sa quarterfinal round ng PBA Season 49 Philippine Cup kahapon sa PhilSports Arena sa Pasig City.
Humakot si guard Jhonard Clarito ng 20 points at 21 rebounds para banderahan ang Elasto Painters sa pagtulak sa Road Warriors, may bitbit na ‘twice-to-beat’ advantage, sa ‘sudden death’ sa Sabado.
Ang mananalo sa duwelo ng NLEX at Rain or Shine ang sasagupa sa mananaig sa quarterfinal match ng No. 3 Magnolia at No. 6 TNT Tropang 5G sa best-of-seven semifinals series.
“Nagpasensya lang kami. Basketball is a game of runs, we had our runs in the first half and they had their runs in the third quarter,” ani Elasto Painters coach Yeng Guiao sa Road Warriors. “Mabuti na lang nakabalik ulit kami nu’ng fourth quarter.”
Umiskor din si Adrian Nocom ng 20 markers para sa Rain or Shine habang may 16 at 10 markers sina Santi Santillan at Andrei Caracut, ayon sa pagkakasunod.
“Si Jhonard, nakita natin iyong effort niya, buwis buhay talaga eh. So any coach would appreciate the effort he put up, not just him but the rest of the guys,” dagdag ni Guiao kay Clarito.
Iniskor ni Xyrus Torres ang 14 sa kanyang 20 points sa third period sa pagbangon ng NLEX mula sa isang 10-point halftime deficit bago natahimik sa fourth quarter.
Nakabangon ang Road Warriors mula sa 16-point deficit, 20-36, sa second period para agawin ang 65-60 abante sa 3:20 minuto ng third period tampok ang pagbibida ni Torres.
Sa likod nina Clarito, Nocom at Santillan ay muling napasakamay ng Elasto Painters ang 90-85 bentahe sa huling 1:43 minuto ng final canto.
Ang four-point shot ni Robert Bolick, tumapos na may 15 points, ang nagdikit sa NLEX sa 89-90 sa nalalabing 1:31 minuto kasunod ang traveling violation ni Clarito sa panig ng Rain or Shine.
Ang dalawang mintis na drive ni Bolick sa posesyon ng Road Warriors ang nagresulta sa dalawang free throws ni Clarito sa huling 10.2 segundo para sa 92-89 kalamangan ng Elasto Painters.
- Latest