Baguio-Tagaytay race iniatras sa Nobyembre
MANILA, Philippines — Napinsala ng malalakas na pag-ulan ang ibang daanan kaya naman pinospon ang pag-arangkada ng Baguio-Tagaytay PhilCycling Classic road race.
Upang maiwasan ang disgrasya, minabuting ipagpaliban muna ang pinakamahabang road race sa bansa na may 292kms distansya na papadyak sana sa Lunes (Hunyo 23) kung saan magsisimula ang harurutan sa Camp John Hay at magtatapos sa Crisanto De Los Reyes City Avenue sa harap ng bagong gawa na Tagaytay City Velodrome.
Napiling petsa nang padyakan ng mga siklista ay sa Nobyembre 11 at siniguro ng PhilCycling na parehong format pa rin ang ipatutupad sa event na sasalihan ng Top 30 riders sa katatapos na Tour of Luzon.
Kasama sa mga nasirang daan na ngayon ay inaayos na ay ang expressways kaya mahabang ensayo at paghahanda ang gagawin ng mga siklista para masungkit ang P100,000 premyo.
Kinukunsidera rin ng organizers ang wet season sa susunod na tatlong buwan kaya marahil ay mabuti na rin na sa Nobyembre ang padyakan.
Samantala, ang inauguration ng bagong Tagaytay City Velodrome at celebration ng Olympic Day and World Cycling Day ay itutuloy sa Lunes.
Pasisibatin din ang Tagaytay Criterium sa Hunyo 25-26-27 sa parehong ruta habang sa velodrome side sa Crisanto De los Reyes Avenue ang simula at finish line.
Lahat ng Philcycling-ranked athletes ay mga seeded habang nakalaan ang medals at cash prizes.
- Latest