Eala pasok sa Nottingham main draw

MANILA, Philippines — Masisilayan sa main draw si Alex Eala sa women’s singles ng Lexus Nottingham Open na ginaganap sa England.
Nagawa ito ni Eala matapos malusutan si Anca Todoni ng Romania sa pamamagitan ng 6-3, 6-7 (4), 6-3 panalo sa final round ng qualifying event kahapon.
Muling dumaan sa pagsubok si Eala na magaan na nakuha ang first set bago nakasagupa ng malakas na puwersa mula sa Romanian netter sa second frame.
Nakipagsabayan ng husto si Todoni partikular na sa second set dahilan para maitabla nito ang laro sa 1-1.
Nakarekober agad si Eala sa third set kung saan maganda ang serves nito para makuha ang panalo.
Nauna nang tinalo ni Eala si Varvara Gracheva ng France sa first round ng qualifying sa iskor na 6-3, 3-6, 6-3.
Mapapalaban ng husto si Eala sa main draw dahil makakasagupa nito si sixth seed Magda Linette ng Poland sa opening round.
Nakatakda ang laro nina Eala at Linette ngayong araw sa alas-6 ng gabi.
Hindi naman na bago si Eala sa pagharap sa mga seeded players dahil nagawa na nitong makipagsabayan sa malalaking pangalan sa tennis world sa Miami Open.
Matatandaang tatlong Grand Slam winners ang pinataob ni Eala sa Miami Open kabilang na si dating French Open champion Iga Swiatek ng Poland.
Pinatumba rin ni Eala sina Australian Open champion Madison Keys at Grand Slam winner Jelena Ostapenko.
Kasalukuyang nasa No. 77 si Eala sa world ranking ng WTA.
Kailangan ni Eala na makalikom ng panalo upang makahirit ito ng awtomatikong silya sa Wimbledon Championships at sa US Open.
- Latest