Bonus dale ng SMB

MANILA, Philippines — Ayaw na ng mga Beermen na madiskaril ang paglagok sa No. 1 spot sa eight-team quarterfinal round.
Inangkin ng San Miguel ang top seed sa quarterfinals matapos lasingin ang sibak nang NorthPort, 126-91, sa PBA Season 49 Philippine Cup kahapon sa Ynares Center sa Antipolo City.
Bumanat si CJ Perez ng 24 points mula sa 11-of-19 field goal shooting para sa SMB habang may tig-17 markers sina Jericho Cruz at Don Trollano.
Nagtapos sa magkakatulad na 8-3 record, pero umangat ang Beermen sa NLEX Road Warriors at Magnolia Hotshots dahil sa kanilang superior quotient.
Bitbit ang ‘twice-to-beat’ advantage sa quarterfinals, lalabanan ng SMB ang No. 8 Meralco.
“I think its a different ball game now, Iyong nakaraan is past na iyon,” ani Perez sa pagsagupa ng Beermen sa Bolts na tumalo sa kanila sa nakaraang PBA Philippine Cup Finals. “Siyempre, we need to redeem ourselves also.”
Ang Top Four teams ang bibigyan ng ‘twice-to-beat’ bonus sa quarterfinals kontra sa magtatapos sa No. 8, 7, 6 at 5, ayon sa pagkakasunod.
Mula sa 25-16 abante sa first period ay nagsimulang humataw ang San Miguel sa pagbibida nina Perez at Marcio Lassiter para ilista ang 57-38 halftime lead.
Lalo pang nabaon ang NorthPort sa 48-77 sa 6:25 minuto ng third quarter kung saan tuluyan nang ipinahinga ni Austria si eight-time PBA MVP June Mar Fajardo.
Tumapos ang 6-foot-10 na si Fajardo na may 10 points at 11 rebounds.
Tinapos ng Beermen ang nasabing yugto sa 92-67 patungo sa 111-74 pagbaon sa Batang Pier tampok ang three-point play ni Jeron Teng kay Cade Flores sa 7:18 minuto sa final canto.
Pinamunuan ni Joshua Munzon ang NorthPort sa kanyang 19 points at may 13 at tig-11 markers sina Flores, Jerrick Balanza at Fran Yu, ayon sa pagkakasunod.
Tinapos ng Batang Pier ang kanilang kampanya sa 2-9.
- Latest