Alas Pilipinas umukit ng kasaysayan

MANILA, Philippines — Gumawa ng kasaysayan ang Alas Pilipinas matapos masungkit ang pilak na medalya sa katatapos na Asian Volleyball Confederation (AVC) Women’s Volleyball Nations Cup sa Hanoi, Vietnam.
Tumupi ang bagitong Alas Pilipinas sa mas beteranong Vietnamese squad sa finals ng Nations Cup sa iskor na 25-15, 25-17, 25-14 dahilan para magkasya lamang sa ikalawang puwesto ang Pinay squad.
Subalit ang silver medal ay kumikinang ng tulad ng ginto dahil ito ang kauna-unahang podium finish ng Pilipinas sa anumang Asian-level tournament sa nakalipas na mga dekada.
Kaya naman hindi maitago ni Brazilian head coach Jorge Souza De Brito ang saya nito dahil nagbubunga na ang kanyang programa.
“We’re happy for second place, we’re on the way. It’s a process,” ani De Brito.
Umaasa si De Brito na magpapatuloy ang programa sa tulong ng Philippine National Volleyball Federation.
Tatlong miyembro ng Alas Pilipinas ang binigyan ng individual awards sa pangunguna ni team captain Jia Morado na pinangalanang Best Setter sa torneo.
“This silver medal is amazing, it means everything. It’s hard to see the growth of the sport [in the country] without this result achieved by the team,” ani Morado.
Pasok din sa individual awardees sina Angel Canino bilang Best Outside Hitter at Dell Palomata bilang Best Middle Blocker.
Ang silver-medal finish ng Alas Pilipinas ay mas makinang sa tansong medalyang nakuha nito noong nakaraang taon sa parehong torneo.
“We had to give it our best because after getting the bronze last year and the silver this time, we’re inspired to go back to training and keep working together as a team and to keep going for this long term program,” ani Morado.
Saludo si Philippine National Volleyball Federation (PNVF) president Tats Suzara sa ipinamalas ng Alas Pilipinas.
Nangako ito sa patuloy na suportang ibibigay nito sa programa hindi lamang ng Alas Pilipinas women maging sa Alas Pilipinas men.
- Latest