Eala mainit sa Nottingham

MANILA, Philippines — Dumaan muna sa butas ng karayom si Alex Eala bago itakas ang pukpukang 6-3, 3-6, 6-3 panalo laban kay Varvara Gracheva ng France sa opening game nito sa Nottingham Open qualifying round sa England.
Maganda ang simula ni Eala na mabilis na nakuha ang first set dahil sa solidong atake nito.
Subalit nakabawi ang French netter sa second set kung saan ilang beses na naglista ng errors si Eala dahilan para tumabla ang laro sa 1-1 all. Nabawi ni Eala ang magandang momento sa third set.
Matinding court coverage ang inilatag nito kasabay ng matatalim na baseline para tuluyang tuldukan ang paghahabol ni Gracheva.
Nagtala si Eala ng kabuuang pitong break points.
Makakaharap ni Eala sa final round ng qualifying si Anca Todoni ng Romania.
Kailangang maipanalo ni Eala ang laro nito kay Todoni upang makapasok sa main draw ng Nottingham tournament.
Nalaglag si Eala sa No. 77 sa world rankings ng WTA.
Malaking dahilan nito ang sunud-sunod na kabiguan nito sa nakalipas na torneo sa Spain at Italy gayundin sa French Open.
Hindi rin pinalad si Eala sa Ilkley Open matapos yumuko sa quarterfinal round.
- Latest