Alas Pilipinas umangat sa FIVB world rankings

MANILA, Philippines — Patuloy ang pag-angat ng Alas Pilipinas women sa FIVB world rankings matapos ang impresibong kampanya nito sa 2025 Asian Volleyball Confe-deration (AVC) Women’s Volleyball Nations Cup sa Hanoi, Vietnam.
Bago magsimula ang torneo, nasa No. 56 ang Alas Pilipinas.
Ngunit unti-unting sumulong ang Pinay spi-kers matapos magtala ng sunud-sunod na panalo para gumanda sa No. 46 ang puwesto nito sa world rankings.
Isa sa nagpaangat sa Alas Pilipinas ang impresibong panalo nito sa semifinals laban sa Chinese-Taipei noong Biyernes ng gabi, 25-17, 25-21, 18-25, 15-25, 15-12.
Maliban sa Chinese-Taipei, pinatumba din ng Alas Pilipinas ang Mongolia, New Zealand at Kazakhstan sa group stage upang makalikom ng puntos.
“The program is working,” ani Philippine National Volleyball Federation (PNVF) president Ramon “Tats” Suzara na siya ring AVC head at executive vice president ng FIVB.
Masaya si Suzara sa patuloy na pag-angat ng Pilipinas dahil na rin sa magandang programa.
“The past three years was all upward for our national program in all disciplines—volleyball and beach—thanks to the support of our stakeholders,” ani Suzara.
Bago pumasok si Suzara noong 2021, ang national women’s team ay nasa No. 156 sa 222-nation FIVB list.
Umangat ito sa No. 66 noong 2023 habang mas lalo pa itong nagningning sa No. 58 noong 2024.
Nakatakda pang harapin ng Alas Pilipinas ang Vietnam sa finals Sabado ng gabi.
- Latest