Bossing sinunog ng Phoenix Fuel Masters
MANILA, Philippines — Isinara ng Phoenix ang kanilang kampanya sa PBA Season 49 Philippine Cup sa pamamagitan ng dalawang sunod na panalo.
Sinunog ng Fuel Masters ang Blackwater Bossing, 124-109, kahapon sa Ninoy Aquino Stadium sa Malate, Manila.
Bumanat si Jason Perkins ng 32 points at kumolekta si Ken Tuffin ng 29 markers, tampok dito ang limang three-point shots, at 14 rebounds para sa 4-7 record ng Phoenix.
Nagdagdag sina Tyler Tio at Kai Ballungay ng tig-14 points.
“A lot of learnings for a young group of guys,” ani coach Jamike Jarin. “But you know unlike growing up with these young men, so you have to fast track that.”
Tinapos ng Blackwater ang kanilang kampanya sa 2-9 at nadiskaril ang hangad na back-to-back wins.
Kaagad lumayo ang Fuel Masters sa 32-12 sa 3:57 minuto ng first period mula sa basket ni Tuffin patungo sa pagtatayo ng isang 25-point lead, 78-53, sa 8:35 minuto ng third quarter.
Sa pagbandera nina Russell Escoto at RK Ilagan ay nakalapit ang Bossing sa 89-98 sa final canto.
Muling pinamunuan nina Perkins, Tuffin at Ballungay ang Phoenix para ilista ang 124-107 kalamangan sa huling 56.9 segundo.
“So we’re looking forward in the next season. The way we played the last two games, it’s how we should be playing in PBA Season 50,” dagdag ni Jarin.
Pinangunahan ni Escoto ang Blackwater sa kanyang 20 points, habang may 18 at 13 markers sina Ilagan at Cedrick Barefield, ayon sa pagkakasunod.
- Latest