Top Four spot target ng Magnolia
MANILA, Philippines — Ang automatic Top Four berth ang target ng bumubulusok na Magnolia sa pagsagupa sa TNT Tropang 5G sa PBA Season 49 Philippine Cup sa Ninoy Aquino Stadium sa Malate, Manila.
Lalabanan ng Hotshots ang dating mainit na Tropang 5G ngayong alas-7:30 ng gabi matapos ang ‘no bearing’ game ng mga sibak nang Phoenix Fuel Masters at Blackwater Bossing sa alas-5 ng hapon.
Nasa itaas ng team standings ang NLEX sa kanilang 8-3 record kasunod ang San Miguel (7-3), Magnolia (7-3), Barangay Ginebra (7-3), Converge (7-4), TNT (6-4), Rain or Shine (6-4), nagdedepensang Meralco (6-5) at mga talsik nang Phoenix (3-7), Blackwater (2-8), NorthPort (2-8) at Terrafirma (1-10).
Ang Top Four teams ang bibigyan ng ‘twice-to-beat’ incentive sa quarterfinals kontra sa magtatapos sa No. 8, 7, 6 at 5, ayon sa pagkakasunod.
Laglag ang Hotshots sa dalawang sunod na kamalasan habang nahinto ang six-game winning streak ng Tropang 5G matapos ang 78-97 kabiguan sa Gin Kings.
Ang panalo ng Magnolia ang magbibigay sa kanila ng hinahangad na bonus sa quarterfinals.
Magkakaroon ng komplikasyon sakaling ang TNT ang manaig kung saan kailangan pang malaman ang resulta ng mga laro sa Linggo sa Ynares Sports Center sa Antipolo City.
- Latest