Go maningning na tinapos ang collegiate career sa CSB
MANILA, Philippines — Magandang sendoff ang ibinigay ng College of Saint Benilde women’s team sa kanilang team captain na si Francis Mycah Go.
Ito’y dahil nasikwat ng Lady Blazers ang four-peat at nanatili sa kanilang bakuran ang korona matapos nilang walisin ang Letran, 25-19, 25-22, 25-19 sa Game 2 ng best-of-three finals ng NCAA 100 women’s volleyball tournament noong Miyerkules.
Kaya naman masayang tinapos ni Go ang kanyang collegiate career dahil na rin sa individual awards na natanggap ngayong season.
Nahirang si Go na season at finals Most Valuable Player at bibitbitin nito ang mga awards na nasikwat pagsampa nito sa susunod na stage ng kanyang volleyball career.
“Dalawang MVPs sa isang araw. This is really special, pero hindi ko ito makukuha kung wala ang mga teammates ko.” ani Go. “This is for our team.”
Nasilo rin ang 1st Best Outside Spiker, tumikada si Go ng siyam na puntos kapareho ni 1st Best Middle Blocker Zamantha Nolasco sa Game 2.
Inaasahang inspirado si Go pagsabak nito sa pro-league dahil sa umaapaw ang tagumpay sa huling season nito sa NCAA.
Nakatakdang lumaro si Go sa pro-league matapos siyang mahablot ng ZUS Coffee bilang 17th overall pick sa second round ng katatapos na Premier Volleyball League (PVL) rookie draft.
Magsasaya muna si Go sa piling ng kanyang pamilya bago sumalang sa mas matinding liga.
- Latest