Eala pasok sa 2nd round ng IIkley Open

MANILA, Philippines — Matapos ang sunud-sunod na kabiguan, muling nagliwanag ang kampanya ni Alex Eala matapos maitarak ang unang panalo nito sa grass.
Inilabas ni Eala ang bagsik nito para palugmukin si Filipino-Australian Lizette Cabrera sa bisa ng 7-6 (4), 6-3 desisyon sa opening round ng WTA Ilkley Open na ginaganap sa England.
Naglatag si Eala ng malakas na puwersa sa huling bahagi ng first set upang pigilan ang pagtatangka ni Cabrera.
Sa second set, mas naging solido ang galaw ni Eala kung saan nagpakawala ito ng matatalim na baseline attacks habang maganda rin ang court coverage nito para tuluyang makuha ang panalo.
Makakasagupa ni Eala sa second round si Valentina Ryser ng Switzerland.
Nakapasok sa second round si Ryser matapos patalsikin si Sara Saito ng Japan sa kanilang first-round game sa iskor na 6-0, 6-4,
Hindi ito ang unang pagtatagpo nina Eala at Ryser. May 1-1 head-to-head ang dalawa.
Nagharap na sina Eala at Ryser sa championship round ng W25 Yecla tournament na ginanap noong Hunyo ng 2023 kung saan nanaig ang Pinay netter para makopo ang korona.
Subalit mas solido na ang laro ng Swiss netter na nakabawi kay Eala noong Marso sa W75 Trnava tournament na ginanap sa Slovakia.
Target ni Eala na makausad sa torneong ito upang muling maiangat ang kanyang puwesto sa WTA world ranking.
Bumagsak si Eala sa No. 77 mula sa kanyang dating career-high na 69th.
- Latest